jump to navigation

banners Marso 20, 2007

Posted by prawnaccident in Love, Project.
add a comment

Maaasahan Ba Kita?

PISAY Meets World

Katapusan Marso 10, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
7 comments

Bawat bagay ay may katapusan
Ngunit may mga bagay na patuloy pa rin
Sa kakapalaganap ng kasamaan at kabutihan,
At hindi tumitigil sa mga taong sasapulin.

Alam na rin natin ang mga katangian
Ng mga estudyanteng PISAY.
Malalaman nating may pag-asa pa ang karamihan.
Ang iba naman ay hahantong sa pakikipaghiwalay.

Kayraming mga katangian ang kinakailangan
Upang makamit ang estudyanteng maaasahan.
Kayhirap palang isang taong maasahan
Dahil sa iyong mga balikat ang malaking kinabukasan.

Sa ating mga naaasahan ay may kinabukasan pa ba
Tayong inaasahan sa mga estudyanteng PISAY?
‘Wag nating hayaan ang pagkakatao’y mawala
Upang hindi humantong sa ating paghihiwalay.

Mapagkakatiwalaan Marso 10, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
add a comment

Marami nang kaguluhan sa ating bansa
Dahil sa mga namumunong ang gusto ay sila
Ang tanging makapangyayari sa lahat ng taong tumitira
Sa ating bansa; ang Pilipinas ay nagmumukhang walang pag-asa.

Mahirap nang makahanap ng maaasahang mga Pilipino.
Sa panahong ito ay kailangan ay ibayong pag-iingat
Dahil sa ang taong may magandang kalooban ay laging nabibigo
Sa ano mang gustuhin ay sa kahirapan pa rin at hindi maiangat.

Kung may pinuno lang sana tayong nag-aanalisa
Ng sitwasyon natin ngayon sa ating bansa
Ay wala tayong iba pang problemang
Darating sa Pilipinas nating mahal.

Maging sa PISAY ay may ganitong sitwasyon.
Marami sa kanila’y hindi maaasahan sa panahon ng kagipitan.
May kumukuha ng aking mga gamit hindi tamang panahon
At kung kailan ko pa ito kailangan ay nakuha ng kasakiman.

Kay aga ng panahong ang Pilipino ay madaling pumanaw.
Kaydali nilang maakit sa iba’t ibang bagay na ang tanging tanglaw
Ay ang kanilang sariling pamumuhay at wala nang iba;
Kung tayo’y mapagkakatiwalaa’y walang problema ang ating bansa.

Kabaitan Marso 4, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
add a comment

May mga katangian ang isang mabuting kaibigan
Na kinakailangang talaga ng mamamayan.
Ayaw nilang nagmamayabang sa taumbayan.
Hinding-hindi nila gusto na matanggal ang karapatan.

Kaygandang tularan ang isang taong mabuti
Dahil sa ito’y makatutulong sa ikabubuti
Ng ating bansa, at ‘di rin ito mag-aatubili
Na tayo’y umunlad, ‘di tulad ng dati.

Sa estudyante nakasasalay ang kapalaran ngayon ng Pilipinas.
Ang PISAY kaya ang pag-asa ng ating bukas?
‘Di lang ang PISAY ang nakaambang na bakas.
Ang iba pang eskwelahan ang magbibigay ng walang hanggang wakas.

Maraming inaasahan ang bawat Pilipino
Sa mga estudyanteng nagsusumikap.
Ang tanging paraan kung paano tayo makakatayo
Ay ang mga estudyante’y lalong magsumikap.

Katapatan Marso 4, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
11 comments

Ang bawat tao ay kailangan ang kaibigan
Upang may masandalan kapag dumating ang kagipitan.
Marapat na ang tao ay mapagkakatiwalaan
Upang ‘di ka pagkaitan ng isang katotohanan.

Ang kaibigan ay kailangang matapat
Upang ‘di pagkaitan ng iyong itatapat.
Maging maingat din sa pagpili ng kaibigan
Upang ‘di ibunyag ang iyong katauhan.

May mga matatapat din naman sa PISAY
Tulad rin ng isang Pilipinong tunay.
Ngunit karamihan sa kanila ay tayo’y masasablay
Dahil sa sarili nilang pangangailanga’y gusto ng hanapbuhay.

Marami nang nakawang naisagawa,
Kayrami na rin ang mga nawawalan.
Sa kabila ng kasikatan ng PISAY, ito’y nababalewala
Dahil sa kaliwa’t kanang nakawan.

Ginagamit nila ang mga utak nila sa maling gawain
Sa halip na sa pagpapaunlad nito ang dapat atupagin.
Dapat ay kanilang gamitin ang pagiging matapat nila
Upang kakaunti na lamang ang kanilang problema.

Sa panahon ngayon ay hindi na lahat halos mapagkakatiwalaan
Ang mga estudyante sa saan mang sulok ng eskwelahan
Dahil sa sila’y hindi tapat na naglilingkod sa kanilang kapwa
At maaaring hindi nila magawa ang maglingkod sa kapwa.

Bilang Isang Kaibigan Marso 3, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
3 comments

Kinakailangan mo ng tulong sa iba
Upang ‘di ka mawalan ng pag-asa.
Kailangan mo ng isang katuwang
Upang buhay mo’y maging masagana.

Madali lang sa ibang lugar na magkaroon ng kaibigan,
Tulad ng mga pinanggalingan ng mga estudyante.
Ngunit sa kalagayan doon sa eskwelahan
Ay mahirap palang magkaroon ng kaibigan.

Minsan ka lang makakaranas ng tutulong sa’yo.
Minsan ka lamang magkakaroon ng kausap.
Gusto naman ng iba ng isang kalaguyo
Upang magtulungan sa problemang masasalo.

Ngunit ang kakarampot na bilang ng mga kaibigan
Ay hindi sapat upang iyong ipanlaban.
Kailangan mo ng maraming kaibigan
Upang sa laban ay kaya mong makipagsabayan.

Ngunit ang magiging kaibigan mo sa PISAY
Ay lubha naman kung sila’y makikisabayan.
Mahihirapan kang magkaroon ng kapaligsahan
Dito sa mundong delikado ang kalagayan.

Kung gusto mo ng kaibigan ay kailangang siguraduhin:
Siya ay maaasahan sa bawat hagda’t mga baybayin
Upang hindi ka mabibigo kapag dumating na ang araw
Na ikaw ay mawawala sa mundo’t magiging buhangin.

Kabayanihan Marso 3, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
2 comments

Maraming kabataan ang nangangarap
Na sila ang maging tagapagligtas.
Gusto nilang sila ang pag-asang hinaharap.
Gusto nila ay sila ang nakatataas.

Bukod sa gusto nila ang maunlad na pamumuhay,
Gusto ng mga estudyanteng tagasagip ng buhay.
Tulad ng pagsagip nila sa kanilang buhay
Na hindi matanggal sa eskwelahang PISAY.

Ayaw nilang sila’y nahuhuli tulad ng muntikan nang mawala;
Ang isang buhay na naisabit sa mga sanga ng kamatayan.
Sa isang pagkakamali lang ay nawala ang pag-asa
Na maging maunlad ang kanilang kabuhayan.

Gumagawa lang ba sila ng kabutihan
Doon sa kanilang mga nagugustuhan
Kapag talagang sila’y nangangailangan
Ng taong mapagkakatiwalaan?

Hindi rin talagang naiiwasan ang maging makasarili
Lalo na’t delikado kang mawala sa sarili.
Sa pangyayaring ito ay ikaw ang bayani
Upang tulungan mo ang iyong sarili.

Ikaw lang ang pakapagsasabi
Kung sino ang tunay na bayani:
Ang iba o ang iyong sarili?
Batayan lamang ang nagawang mabuti.

Katalinuhan Marso 3, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
1 comment so far

Kalawakan ng isipan ang kinakailangan
Upang mapaunlad ang kinabukasan.
Kaya sa kalawakan ng eskwelahang iyon
Ay katawa’t isipan ang kailangan.

Kung makapasok ka doon ay ika’y kalulugdan
Ng mga taong ika’y napapaligiran.
May mga ibang taong ika’y kamumuhian.
Ngunit iyo’y ‘di hadlang sa iyong kasipagan.

Ang ibang estudyante’y gustong mapaunlad
Ang sarili nilang kinabukasan.
Kaya minsa’y gusto nilang mapagaan
Ang mga gawain sa eskwelahan.

Nagagawa nila ang mga masasama,
Mga gawaing labag sa patakaran.
Minsa’y ‘di nila nagagamit ang kanilang isipan
Tulad na lamang ng isang masigabong palakpakan.

Matapos nilang kumain ay itatambak lang sa tabi.
Matpos nilang gumamit ay sa tabi lang ilalabi.
Bakit nila ‘di gamitin ang mainam na sandali
Upang mailagay ang gamit sa tama’t hindi mali?

Hahayaan lang ng iba ang iba nilang kasama.
Hindi nila natutulungan ang ibang nadarapa.
Kung ang pangyayari ang ating babaliktarin,
Tutulungan ka kaya ng iba mong kasama?

Hindi lang nila alam ang kanilang ginagawa
Ay naibabalik ang pangyayaring sa kanila nagsimula.
Matatawag nating karma ang ating magagawa.
Babalik din sa atin ang ating mga nagawa.

Kasipagan Pebrero 20, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
2 comments

Ang mga iskolar ay may magagandang katangian;
Kasama na rin dito ang kanilang kasipagan.
Maganda talaga kung tayo’y magkakaisa
Upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan.

Kung papailalim tayo sa looban
Doon sa pinagpalang eskwelahan,
Sa kabila naman ng kanilang kasipagan
Ay mayroon namang karamutan.

Gusto nilang sila ang mabibiyayaan
Ng isang buhay na walang hangganan.
Masarap ang buhay na maginhawa
Ngunit maiisip mong sila’y makasarili na.

Umaasa ang iba sa kanila na maging pinuno
Upang pamunuan ang sambayanang Pilipino.
Maganda naman kung sila ang mamumuno
Kung sila’y sasang-ayon sa iyo.

Makasisiguro ka ba sa disisyon nilang
Tutuparin ang pangakong napako sa kawalan?
Kung kakayanin talaga’y maganda’t mainam.
Kung wala nama’y manirahan sa kawalan.

Kung saka-sakali ay iboboto mo ba sila
Na maramot at medyo mandaraya?
Kailangan ding maging masinop ka
Upang ‘di magsisi sa huling banda.

Panimula Pebrero 18, 2007

Posted by prawnaccident in Poems, Project, Revenge.
3 comments

Mataas na Paaralan ng Pilipinas sa Agham
Mabanggit mo lang ay kaysarap pakinggan.
Kaytaas ng papuri, hindi matumbasan;
Lagi nalang nananalo sa mga labanan.

Kaygandang eskwelahan na ‘di mo malilimutan;
Pahirapang mga araw na may kaginhawaan.
Kay sayang mag-aral doon sa PISAY
Maraming makikita’t makikilalang mga kaibigan.

Ngunit hindi lahat ng estudyante ay maaasahan.
Hindi rin lahat ng tao roon ay magagantimpalaan.
May nakita akong isang opisyal na naninigarilyo.
Mayroong mga estudyanteng ginagawang basahan ang madaanan.

Gustuhin mang bawiin ang mga nasabi
Ay ‘di na magdadalawang-isip na ito’y itabi
Sa isang sulok ng isang kuwebang puno ng aspili
Upang ‘di na mabunyag pa sa iba pang sasali.

Kung ikaw ay lalahok sa larong may kadayaan
Na ‘di mo naman alam na ika’y mapipisa lang,
Makasisiguro ka ba sa larong ito
Kapag ang lahat ay ‘di mo mapagkakatiwalaan?